Isang dating overseas Filipino worker (OFW) ang umano’y nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili sa labas ng kaniyang condominium unit sa Mindanao Avenue, Barangay Old Sauyo, Quezon City, kahapon ng umaga.
Base sa police report, nagtamo si Danilo Soriano, 55, ng isang tama ng bala sa ulo.
Ayon sa asawa ng biktima na si Magdalena, inihahanda niya ang almusal nila bandang 4:35 a.m. nang makarinig siya ng isang putok ng baril.
Nang puntahan niya ang pinanggalingan ng putok, laking gulat ni Magdalena nang matagpuan niya ang kanyang asawa na nakahandusay sa sahig at duguan ang ulo. Nakita sa tabi ng biktima ang isang .40-caliber handgun na kargado ng walong bala at isang basyo.
Dinala ng police ang bangkay ni Soriano sa Mendoza Funeral Service para sumailalim sa autopsy.
Sinabi ni Magdalena sa mga imbestigador na isang mechanical engineer ang kaniyang asawa na nagtrabaho ng 20 taon sa Saudi Arabia ngunit na-lay off siya noong Hunyo ng nakaraang taon.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng police sa insidente para malaman kung sapat na ang pahayag ng asawa ng biktima para madeklarang isang suicide case ang insidente. (Vanne Elaine P. Terrazola)