Home » Sports » Laro’t-Saya ng PSC ilulunsad na – Butch

Laro’t-Saya ng PSC ilulunsad na – Butch

Ilulunsad ang mas malaki at mas pinasayang Laro’t-Saya sa Parke, PLAY ‘N LEARN program, ang family-oriented at community based physical fitness na grassroots sports development program na inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa buong bansa sa nalalapit na taon na 2017.

Ito ang sinabi ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez sa isinasagawang kada Sabado at Linggo na programa para turuan at bigyan ng aktibidad ang mga estudyante, young professionals, mga miyembro ng pamilya, koponan sa mga eskuwela at pangangalaga sa kalusugan ng mga senior citizens.

“We want to re-launch it nationwide next year, para kasama na rin ang buong programa ng PSC for 2017,” sabi ni Ramirez.

Maliban sa orihinal na 18 lugar na unang isinagawa ang programa ay napag-alaman sa Reaserch and Planning Department na pinamumunuan ni Dr. Lauro Domingo Jr. at coordinator Alona Quintos na makakasama na rin sa susunod na taon ang Butuan City sa Surigao Del Sur, Sipalay City sa Negros Occidental at Cagayan De Oro.

Una nang isinagawa ang Laro’t-Saya sa Luneta Park, San Juan, Quezon City, Paranaque City, Bacolod City, Baguio City, Ilocos Sur, San Carlos City sa Negros Occidental, Kalibo Province, Iloilo City, Davao City, Cebu City, Sarangani Province, Tagum City sa Davao Del Norte, Kawit at Imus City sa Cavite.

Samantala’y umabot naman sa 1,082 ang nagpunta sa Burnham Green ng Luneta Park kung saan 14 ang sumali sa arnis, 120 sa badminton, 71 sa chess, 86 sa football, 29 sa karatedo, 26 sa lawn tennis, 9 sa sepaktakraw, 52 sa volleyball, 5 sa senior citizen at 670 sa popular na Zumba.

Mayroon naman na kabuuang 354 ang nakisaya sa Quezon City Memorial Circle kung saan sa zumba 310, senior citizens 7, badminton 6, chess 22, football 12 at volleyball 3 habang sa Laro’t-Saya sa Parke sa Pinaglabanan Shrine ay sumali sa arnis (15), badminton (26), football (16), taekwondo (10), volleyball (53), Zumba (230) at senior citizen (22) para sa kabuuang 372 nagpartisipa. (Angie Oredo)

comments