PUNO ng paghanga at respeto sa isa’t isa ang dalawang award-winning actresses na sina Superstar Nora Aunor at Cherry Pie Picache sa kanilang kauna-unahang pagsasama sa pelikula sa pamamagitan ng “Whistleblower” sa ilalim ng Unitel Productions at Quento Media.
Ginagampanan ni Nora ang role ni Zeny Roblado, ang financial officer ni Lorna Valera (Cherry Pie), na magiging whistleblower sa nangyayaring korapsyon sa gobyerno. Kapwa nga nila inaming nagkaroon sila ng matatawag na “ang galing-galing niya” moments sa kanilang pagtatrabaho.
Sabi ni Ate Guy, “Ako madalas kay Cherry Pie, ‘Ay, ang galing-galing niya! Parang nakakatakot at nakakanerbiyos, pag kami na ang magkaeksena. Totoo nga naman ninerbiyos at natakot ako noong siya ang kaeksena ko.”
Ano naman ang na-discover niya kay Cherry Pie bilang tao? “Mabait na tao,” ani Nora.
Ipinagmamalaki ni Cherry Pie na makatrabaho niya ang Superstar at proud din siya sa kanilang pelikula. “I’m really honored and grateful to be included in the project. Nagpapasalamat ako of course kay Mr. Tony Gloria (Unitel big boss), kay direk Adolf Alix, Jr. I’m very proud to be working alongside of course Ms. Nora Aunor.
“Hindi palaging nabibigyan ka ng pagkakataon to be able to work with great artists. Ito yung mga artist na nirerespeto mo sa industriya. So, nagpapasalamat ako, I’m very grateful. Actually, this may be the first film na nakasama ko si Ms. Nora Aunor, pero nagkatrabaho na kami ni Ate Guy e, sa ‘Bituin’ soap sa ABS-CBN.
“Meron akong isang eksena (sa ‘Whistleblower’) yung dalawa lang kami ni Ate Guy sa basement, tapos mayroon kaming eksena na wala masyadong dialogue si Ate Guy, tapos tumingin lang siya sa akin. Siyempre nasa character ako as Lorna, pero sa subconscious ko yung tingin niya sa akin, ‘’Yun o, si Ate Guy!’ Kasi di ba mata pa lang. So, those are the moments and encounters that you will never forget,” kuwento ni Cherry Pie, na sinabi ring dream come true para sa kanya na makatrabaho si Ate Guy.
Bukod kina Nora at Cherry Pie kasama rin sa all-star cast ng “Whistleblower” sina Angelica Panganiban, Laurice Guillen, Ina Feleo, Bernardo Bernardo, Anita Linda, Carlo Aquino, Sharmaine Arnaiz, Ricky Davao, Benjamin Alves, Celeste Legaspi, Liza Lorena, Rosanna Roces at marami pang iba.
Ang “Whistleblower” ay ipalalabas sa mga sinehan nationwide simula sa April 6. Rated A ito ng Cinema Evaluation Board. (GLEN SIBONGA)