Nabiktima ng kilabot na “Basag Kotse” gang ang isang Palace official noong Miyerkules ng gabi sa isang mall sa Pasay City, ayon sa police report.
Kinilala ni Police Officer 3 Catalino Gazmen Jr., case investigator, ang biktima na si Undersecretary Jose Joel Sy Egco, executive director ng Presidential Task Force on Media Security.
Nagsisiyasat pa ang police para makilala ang mga suspek. Base sa report ni Gazmen, nagtungo ang grupo ni Egco dakong 8:45 p.m. sa SM Mall of Asia Complex at ipinarada niya ang kaniyang Ford E-150 (XBV 627) sa Open Pay Parking Area sa Seaside Boulevard, SM by the Bay.
Habang naghahapunan ang grupo sa Vikings restaurant, ibinalita kay Egco ng mall guard na Alejandro Lematoc na binasag ang kaliwang bahagi ng glass window ng kaniyang kotse.
Nang puntahan ni Egco ang kaniyang sasakyan, nalaman niya na ninakaw mula doon ang tatlong pantalon, tatlong polo shirts, dalawang t-shirts, at isang set ng Como green at dalawang chargers na pag-aari ng kaniyang security escort na si PO3 Andres Sucan.
“Wala namang pera na nawala puro mga damit lang. Problema lang kasi walang CCTV (closed-circuit television) camera sa parking kaya mahihirapan kami ma-identify ‘yung suspek,” pahayag ni Gazmen.
Ayon sa police report, sasagutin ng Mega Octagon Security, ang security agency na namamahala ng MOA Open Pay Parking Area, ang gastusin sa pagpapa-repair ng sasakyan ni Egco. (Martin A. Sadongdong)