By: Jaimie Rose R. Aberia
Sugatan ang isang Indian at isang security guard nang barilin sila ng isang armadong lalaki sa tapat ng isang optical shop sa Quiapo, Manila, kahapon ng umaga.
Nasa critical condition sa Metropolitan Hospital si Ashur Kumar, tinatayang nasa edad 60, may-ari ng JSM Optical Supply, dahil sa tama ng bala sa dibdib at likod ng katawan.
Nagtamo naman ng gunshot wound sa binti si security guard Jonathan Mesa, ayon sa police report. Base sa initial investigation, papasok ng JSM Optical Supply si Kumar dakong 10 a.m. nang pagbabarilin siya ng suspek.
Nakita ni Mesa ang insidente kaya’t pinaputukan niya ang suspek. Tinamaan sa binti ang security guard nang gumati ang gunman. Iniimbestigahan pa ng police ang insidente.