By: Alexandria San Juan
Muling magsasagawa ng two-day nationwide transport strike ang militant transport groups sa susunod na linggo bilang bahagi ng patuloy nilang protesta laban sa public utility vehicle modernization program ng gobyerno.
Ipinahayag kahapon ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at iba’t ibang transport groups na kabilang sa No To Jeepney Phaseout Coalition kasama ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na ilulunsad nila sa October 16-17 ang pangatolong strike para sa taong ito.
Sinabi ni PISTON president George San Mateo na nanatili ang kanilang oposisyon sa galaw ng administrasyon sa jeepney modernization program.
Ipinagdiinan ni San Mateo na ang programa ng Department of Transportation (DOTr) para i-“phaseout” ang old models ng jeepneys ay nangangahulugan ng “massacre” sa kabuhayan ng mahigit 600,000 jeepney drivers at operators sa buong bansa.
“They want to rid small operators and drivers of our livelihood to hand over to the monopoly control of big foreign and local businesses,” sabi ni San Mateo.
Sa ilalim ng program na nakapaloob sa DOTr’s Omnibus Franchising Guidelines, papalitan ang mga 15-year-old jeepney ng electric-powered vehicles.