By Ruel J. Mendoza
KUNG inakala ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro na pinakamahirap na ang ginawa niyang role bilang si Pirena sa GMA telefantasya na “Encantadia,” nagkamali siya dahil mas nahirapan daw siya sa bago niyang role na malapit nang ipalabas na “Contessa.”
Ayon kay Glaiza, doble raw ang challenge sa kanya sa “Contessa.”
“Nung ‘Encantadia,’ akala ko ‘yun na ‘yung pinakamahirap na role ko so far kasi ‘di ba may mga physical and emotional scenes.
“Dito sa Contessa, doble. Kasi mas doble ‘yung iyakan, mas doble ‘yung pisikalan, pero na-excite ako.
“Parang first time ko ulit na gumawa ng ganitong kabigat na drama.
“Nasabi ko nga, parang ang tagal kong hindi umarte ng ganito – ‘yung sobrang drama talaga na tumatagos sa damdamin.
“Kaya every time na nagte-taping kami, buhos lahat ng luha, lahat ng galit sa pagganap ko sa role bilang si Bea,” sey pa ni Glaiza.
Si Lauren Young ang magiging kontrabida rito ni Glaiza. Nakunan na raw ang ilang pisikal na pagtatagpo nila at hindi raw maiwasan na minsan nagkakasakitan sila ni Lauren.
“May mga times talaga na kinakailangang totohanin kasi makikita’t makikita eh.
“Siyempre we want the audience to feel what Bea is feeling.
“Pero okey naman kami ni Lauren. Trabaho itong ginagawa namin and she’s very professional. Kung nagkasakitan man kami, nagsu-sorry kami sa isa’t isa after the take,” ngiti pa ni Glaiza.
Muling makakatambal ni Glaiza ang magpinsang sina Geoff Eigenmann at Gabby Eigenmann.
Huling naging leading man ni Glaiza si Geoff sa teleserye na “Grazilda” noong 2010. Samantalang si Gabby ay nakasama niya sa teleserye na “Dading” noong 2014 naman.
“Na-miss ko silang dalawang makatrabaho. Pareho kasi silang magagaling ang gandang reunion ang ‘Contessa’ para sa aming tatlo,” pagtapos pa ni Glaiza.