ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Sobrang babaero ng mister ko! Taon-taon na lang, lagi kong nahuhuli na may ibang babae! Ilang beses na kaming nagkahiwalay pero binabalikan ako at naniniwala naman ako na magbabago! Pero ilang linggo lang, mambababae na naman! At iba’t-ibang edad pa ang pinapatulan! May bata, may matanda, yung iba halos anak niya, yung iba naman, halos lola na niya! Ang hilig sobra! Paano ko ba talaga siya mapapatigil ng hindi na ulit mambababae!
Belinda ng Malabon
Hi Belinda,
Gusto mo magbago ang mister mo? Yung hindi na talaga siya uulit? Madali lang yan! Panuorin mo ng program ni Tulfo! Yung Isumbong Mo Kay Tulfo! Sabihin mo, kapag hindi siya nagbago, ipapa-Tulfo mo siya! Tignan ko lang kung hindi siya tumigil! Ako nga tumigil eh! Kasi mahirap kapag na-Tulfo ka, viral ka at makikilala ka ng mga tao! Iiwasan ka na ng mga babae!
* * *
Hi Alex,
May naipon akong konting pera kaya gusto kong magnegosyo. Maraming nagsasabi na restaurant o fast food daw gawing kong negosyo dahil malakas daw ang pagkain. May mga nagsasabi na kapag nagsimula daw ako ng isang restaurant at fast food eh dapat daw franchise ng isang kilalang restaurant o fast food para daw mas kumita ako. Totoo po ba yun Tito Alex?
Claridad ng Paranaque
Hi Claridad,
Sa totoo lang, lahat naman ng negosyo walang kasiguruhan. Dapat pag-aralan mo talaga mabuti at dapat mahaba ang pisi o puhunan mo. Dapat din na hands-on ka sa negosyo mo. Sa larangan ng fast food o restaurant, kapag nagsimula ka na ikaw talaga ang may-ari ng restaurant o fast food, baka mahirapan ka. Mas ok na maliit na karenderia ang buksan mo o eatery para maliit na puhunan lamang at saka mo palaguin. OK naman ang franchise pero baka magulat ka sa halaga. Kapag food cart, makakakuha ka ng franchise from P100K to P300K pero labas pa dun ang bayad sa pwesto, utilities at pasweldo. Kapag sikat na fast food naman, lalo kang hihimatayin! Ang Jollibee ay P55 million ang franchise! Kaya naman ang may-ari ng Jollibee, bida ang saya!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007